Malinis-linis na ang kwarto ko. Sa wakas. Nag-discard ako ng mga papel-papel at nag-organize ng mga files (syempre may mga label na cute at color-coded at nasa kahon na may design design pang nalalaman.) Hindi nakuntento doon, kaya nag-ayos pa ng mga libro. Itinabi ang mga librong hindi na binabasa, at inayos yungmga naiwan sa bookshelves. Syempre magkakabukod ang iba’t ibang genre at classified pa according to author. (Halata bang madami na akong free time?)
Nang matapos sa pag-aayos ng mga libro, sabay banat naman sa mga papel na nakatambak sa study table ko na nagmistulang maliit na Smokey Mountain. Pinagtatapon ang mga bolpen na wala nang tinta at mga business card ng mga taong matagal nang nakahanap ng iba nang trabaho,o di kaya’y matagal nang lumipad sa ibang bansa.
Pagkatapos ng lahat ng kawindangan at nag-settle na ang alikabok, winalis ko ang sahig. First time akong nakapagwalis sa kwarto ko sa loob ng isang buwan. Kaya ayun, pwede na sigurong ibenta por kilo ang ng alikabok na naipon ko sa dustpan. Siguro kung inabot pa ng dalawa pang buwan yung makapal na alikabok sa sahig, malamang mga Marso pa lang makakadiskubre na ako ng mga bagong life-form na nag-e-evolve sa mga siwang ng sahig at mga sulok ng kwarto ko.
Na-realize ko din na ang dami ko palang mga school supplies. Pero dahil malilimutin ako, (May ADD daw, sabi ni Angela) at hindi no na naaalala kung saan ko naitago ang mga ito, bili pa rin ako ng bili. Parang may time-space warp kasi ang kwarto ko. Feeling ko, lahat ng mga bolpen at yellow pad at notebook at plastic hanger, pati na ang mga kaliwang medyas ko, nagte-teleport doon sa time-space warp pag di ako nakatingin. Kasi kahit na abutin pa ng katakut-takot na paghahalungkat, hindi ko malaman kung saan nagsisisiksik yung mga gamit ko. Nakakabano talaga.
Nung nag-general cleaning ako, biglang nagsibalikan ang lahat ng mga nawawalang gamit. Kaya tuloy, meron na akong tatlumpung bolpen, sampung lapis (yung iba mahahaba pa’t bagong tasa, yung iba pungok na’t puro ngatngat), tatlong pad ng yellow paper, tatlumpu’t-limang slightly used na notebook, at di mabilang na plastic hanger na mukhang nagreproduce ata sa loob ng closet (sinabit ko na lang yung iba sa sampayan kasi hindi na nagkasya sa closet).
At masasaya na ang mga medyas ko kasi reunited na sila sa mga ka-partner nila.